About Me

Martes, Nobyembre 13, 2012

UNOS

                   Hindi ko pa rin mapigil ang pagbuhos ng malakas na ulan. Ano’t sa kabila ng mga nagdaang bagyo ay hindi pa rin maiwaglit ng langit ang kalupitang ginawa. Marahil ikaw ay pagsubok na hindi na kailanman mabubura kahit pa ilang milya ang lakbayin ng mga paang sabik sa paroroonan.
Minsan pinilit kong tapakan ng makahiya kahit ang talampaka’y nagdurugo sa tusok ng mga tinik nito. Minsan pinilit patayin ang pag-asang uusbong na may isang tulad mo na babalik at magsasabog ng makikinang na bituin. Minsan ginamit kong sandata ang pag-ibig na nabuo upang takasan ang masakit na katotohanang wala ka na at kahit ilang bukas pa ang dumating… kahit ilang araw pa ang sumikat sa umaga… kahit ilang takipsilim ang dumating… ay wala ng sasalo sa tumutulong luha na walang karapatang pumatak.
                   Siguro’y mali ako. Siguro’y hindi ka nararapat sa akin, o ako man sa iyo. Siguro’y sadyang walang kislap ang nabuo nating lampara. Siguro’y sadyang hindi makayang liwanagan ang daan upang sa dako pa roon ay magbunga ng ligayang inaasam kahit noong wala ka pa. At ngayon nga’y wala ka na. Ano pa ba ang silbi ng paggawa ng mga istoryang hindi mo naman mababasa. Ano pa ba ang kahulugan ng buhay kung sa huli’y magwawakas ding tulad ng mga punong natutuyo sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Ano pa ba ang dahilan at humihinga pa rin…
                   “ Hindi lang sa kanya, natatapos ang kabanata ng buhay mo”, sabi nga mga kaibigan ko. “Hindi lang ikaw ang marunong umibig sa mundo, sadyang hindi lang talaga kayo para sa isa’t-isa. Kung gayon isang kahangalan ang matutunan ang tunay na kahulugan ng buhay sa pamamagitan ng isang taong hindi naman pala para sa iyo. Isang kalokohan ang maramdaman ang tunay na pag-ibig sa isang taong pagkatapos ng lahat ay lilisan at iiwanan kang luhaan.
                    Naramdaman kong kay sarap tumawa sa mga panahong wala kang dahilan para gawin ito. Napatunayan kong kaysarap lumipad kapag ang isa mong pakpak ay may bagong hilom na sugat na dulot ng huli mong pagkawala at pagdusa. Naisip kong kaya ko palang mabuhay na walang tinapay at tubig kung may katalinuhang taglay. Naisip kong “hindi pala ikaw ang tunay na kahulugan ng buhay”.
Hindi ko mapigilan ang ulan. Marahil masyadong makitid at makipot ang aking mga palad upang saluin ang pagkabasa ng mundo. O ang pait. O ang pagkamatay ng aking damdamin. O ang paglaho ng aking pagmamahal. O ang sinag ng buwan, O ang simoy ng hangin. O ang mga unos na parating pa lamang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento